Thursday, February 19, 2009

Sa Sinumang Pintor ng Still Life [Phil Lit TF 0900-1030]



SA SINUMANG PINTOR NG STILL LIFE

Rio Alma


Ay, huwag kang malalasing sa linamnam ng papaya,

Sa lamukot ng dalandan, sa nilalik na mansanas,

O sa tamis na mahinhin ng samplatong buwig-ubas.

Huwag ka ring maaaliw sa inayos na balangkas

Pagkat baka mapawaglit sa unawa’t kamalayan

Iyang kamay na nagtanim ng papaya at ng ubas

Iyang kamay na nagdilig sa dalandan at mansanas,

Iyang kamay na nagbantay, nag-alaga’t pumitas.

Ay, huwag kang malalango sa porma ng mesa’t silya,

Sa daloy ng mga linya at pagkanto ng anggulo

O sa likhang perspektiba at bigat ng bawat bulto.

Huwag ka ring mahahaling sa testura’t chiaroscuro

Pagkat lalong mahalagang maisalin sa larawan

Iyang kamay na pumulak at nagpabulas sa bulto.

Iyang kamay na kumatam at kuminis sa anggulo,

Iyang kamay na naglapat, nagpako at nagmartilyo.

Iyo lamang isapuso: bawat bagay sa daigdig,

Kapag isang likhang-tao ay may kamay na nagpawis;

Isapuso lamang ito, at sa bawat likhang-guhit

Ang pipintig ay di bagay kundi buhay-anakpawis.


(1975)



REFLECTION:


Cause and effect, ito ay isa sa mga bagay na aking pinaniniwalaan. Dahil lahat nga naman ng bagay ay nangyayari dahil sa isa o mahigit pang dahilan. “Pag may itinanim, may aanihin”, sabi nga dito sa atin. At mayroon din tyong kasabihang, “Ikaw ang nagtanim ngunit iba ang nag-ani”. Tunay nga na mas maganda ang unang kasabihan, dahil pinapakita nito na iyong makukuha ang iyong pinaghirapan. Ngunit mas madalas ngayon ay ang ikalawang kasabihan. Ating mapapansin na marami ang nagpapakahirap gawin ang kanilang mga kaya at dapat gawin ngunit hindi nakukuha ng maayos ang kapalit ng kanilang pinaghirapan. Maraming ganito ngayon sa ating lipunan, lalo sa sa sector ng agrikultura at mga empleyado ng ibang kumpanya o pabrika. Marami s amga taong ito ay nangangamuhan at gumagawa ng mabibigat na trabaho. Karamihan ditto ay ang mga kapatid nating anak-pawis o mahihirap na nagtratrabaho kahit na maliit lang ang sahod o suweldo na ibinibigay para lamang may maitugon sa mga pangangailangan nilang personal man o pang-pamilya.

Ang patuloy na paghihirap ng mga kapatid nating ito at maaring dahil din sa kanila o sa kanilang pinagtratrabahuan. May mga employer na sinasamantala ang mga pangangailangan ng ating mga kapatid na ito na papatulan ang kahit na anong pagkakakitaan para sa barya-baryang kita. Mayroon din tayong mga kapatid na mahihirap o hindi at mga employer na nalalasing sa nakukuhang kapangyarihan, nagyayabang sa maliit na tagumpay na nakukuha imbes na ito ay pagyabungin at pagyamanin.

Nakakalungkot ding isipin na maraming nakakagaan sa buhay ang hindi marunong magpahalaga sa ginawang paghihirap ng ating mga kapatid na mahihirap. Isang halimbawa ay ang mga produktong ginagawa o pinagtratrabahuan ng mga kapatid nating mahihirap, kanilang pinagpawisan at pinagbuhusan ng makakaya na kapag nabili ng mga may kaya o nakakaangat sa buhay ay hindi man lang mapagpahalagahan o mapagbigyan ng tamang importansya at pagaalaga sa kadahilanang ito ay kanilang binili lamang at hindi pinaghirapan.



Composed:


ANG MANLILILOK NG KAHOY

Don ValdecaƱas


Matatag na parang Narra

Matibay na parang sinsil

Matigas na parang martilyo

Magaspang na parang liha

Hinulma ng init

Pinakinis ng pagsubok

Pinagtibay ng panahon

Pinaganda ng barnis

Bawat pawis na pumatak

Mga palo at pukpok

Nagbibigay ayos at hugis

Magandang resulta ang makakamit

Bawat hampas ng martilyo

Sa sinsil na humuhubog

Sa istatwang pang dekorasyon

Nasa bahay ng mga mararangya

Isang anak-pawis ang nasa likod

Sa bawat disenyo at ideya

Ang isang iskulpturang pampaganda

Sa mga kapatid natin na anak-pawis

Ay buhay na.


(2009)

No comments:

Post a Comment