Thursday, February 19, 2009

Liham ni Pinay Mula sa Brunei [Phil Lit TF 0900-1030]



LIHAM NI PINAY MULA SA BRUNEI

Elynia Ruth S. Mabanglo


Ako’y guro, asawa at ina.

Isang babae—pupol ng pabango, pulbos at seda,

Kaulayaw ng batya, kaldero at kama.

Napagod yata ako’t nanghinawa,

Nagsikap mangibang-lupa.

Iyo’t iyon din ang lalaking umuupo sa kabisera,

Nagbabasa ng diyaryo uma-umaga.

Naghihintay siya ng kape

At naninigarilyo,

Habang kagkag ako sa pagitan ng kuna at libro,

Nagpapahid ng lipstick at nagpapatulo ng gripo.

Hindi siya nag-aangat ng mukha

Umaaso man ang kawali o umiingit ang bata.

Hinahatdan ko siya ng brief at tuwalya sa banyo,

Inaaliw kung mainit ang ulo.

Wala siyang paliwanag

Kung bakit hindi siya umuwi magdamag,

Ngunit kunot na kunot ang kanyang noo

Kapag umalis ako ng lingo.

Ayaw niya ng galunggong at saluyot,

Kahit pipis ang sobreng inabot,

Ibig pa yatang maghimala ako ng ulam

Kahit ang pangrenta’y laging kulang.

Ako’y guro, asawa at ina.

Isang babae—napapagal sa pagiging babae.

Itinakda ng kabahaging

Masumpa sa walis, labada’t oyayi

Kahit may propesyo’t kumikita ng salapi.

Iyo’t iyong din ang ruta ng araw-araw—

Kabagutang nakalatag sa kahabaan

Ng bahay at paaralan,

Ng kusina’t higaan.

May karapatan ba akong magmukmok?

Saan ako tatakbo kung ako’y malungkot?

May beerhouse at massage parlor na tambayan

Ang kabiyak kong nag-aasam,

Nasa bintana ako’t naghihintay.

Nagbabaga ang katawan ko sa paghahanap,

May krus ang dila ko’t di makapangusap.

Humihingi ng tinapay ang mga anak ko,

Itinotodo ko ang bolyum ng radio.

Napagod yata ako’t nanghinawa,

Nagsikap mangibang-lupa.

Noon ako nanaginip na nakapantalon,

Nagpapadala ng dolyar at pasalubong.

Nakahihinga na ako ngayon ng maluwag,

Walang susi ang bibig ang isip ay bukas.

Aaminin kong ako’y nangungulila

Ngunit sariling kape ko na ang tinitimpla.

Nag-aabang ako ng sulat sa tarangkaha’t pinto

Sa telepono nabubusog ang puso.

Umiiyak ako nung una,

Nagagamot pala ang lahat sa pagbabasa.

Ito lamang ang sagot,

Bayaang lalaki ang maglaba ng kumot.


(1987)



REFLECTION:


Nakikita ko dito na ipinahahayag ng may-akda ang karaniwang katayuan ng kababaihan sa ating lipunan na kung saan kadalasan siya ay isang ina, propesyunal at maybahay, at kung saan din madalas ay ginagampanan niya ang lahat ng ito. Madalas hinahadlangan niya ang sariling pagunlad para sa kapakanan ng iba at may maraming pagkakataon ay hindi din napapansin ang kanyang mga ginagawa at pasakit. Dito din ay ating mapupuna na ang mga kababaihan ay may karapatan ar maari ring umunlad sa iba’t-ibang personal na aspeto kung kanila lamang nanaisin.



Composed:


LUTONG PINOY SA AMERIKA

Don Valdecañas


Propesyonal na tambay

Kahit na tapos ng kurso sa pagluluto

Isang biktima ng kakulangan ng trabaho

Maaaring kakulangan din ng ekspiryensya

Umaasa makalipad patungong ibang bansa

Sa bahay mula umaga hanggang madaling-araw

Tapsilog sa umaga

Sinigang sa tangahali

Adobo sa gabi

Pati na yata ang meryenda ng pamilya

Hilig at mahal ko ang pagluluto

Perpektong mga sangkap

Tamang tamang halo

Mahigit pa sa sapat na pansin ang inuukol

Tamang tama

Sinubukang maghanap

Ngunit hindi umabot sa kwalipikasyon

Kailangan daw may isang taon o mahigit

Na pagtrarabaho sa naturang propesyon

Kulang na nga sa trabaho

Kulang na sa magtratrabaho

Madami pang hinihinging kung ano ano

Nang nasa interbyu na

Tinanong ako

Ang daming tanong

Tinanong ako sa bahay

Kung anong balak ko para sa kinabukasan

Patuloy bang mananatili sa bahay?

Patuloy magiging tambay?

Pinipilit ko ngunit hindi ko makuha

Ginagawa ang lahat ngunit di nila makita.

Umaasa makalipad patungong ibang bansa

Ngayon nandito

Sa kainan sa kanto ng 7th Avenue

Wellington, Steaks at Barbeque

Hindi na tambay,

Nagagawa na ang gusto

Nakakapagluto na

Ng pagkaing para sa mga kano.


(2009)

No comments:

Post a Comment